Ngayon ko lang naalalang may invite ka pala sa akin sa FB. Marami kasi akong ginagawa recently. Pero ngayong may free time na ako, hindi pa rin kita pwedeng i-add. Baka kasi maging dahilan ito para mas lumala ang pagsisinungaling mo.
Noong nakaraang pagpunta ko sa Odiongan, kahit hindi ko naman inaasahan ay lumapit ka sa akin at nagpaliwanag kung bakit ako naka-block sa FB mo.
Sabi mo binigay mo na sa kaibigan mong bading yung original FB mo kung saan naka-block ako. Pero alam ko namang di totoo iyon -- sa iyo pa rin yung account. Alam kong di totoo ang sabi mong yung bading na iyon ang nag-block sa akin -- ikaw mismo yun. Alam ko ring di totoong sa'yo yung "bagong" FB na ginamit mo para i-invite ako matapos mo akong i-block sa original FB mo -- sa kaibigan mong si LR iyon. At alam ko kung bakit mo ako ibina-block -- may sinisikreto kang lalaki.
Bakit ka pa nagpaliwanag kung susubukan mo lang na lokohin ako? Hayan tuloy, ang kasinungalingan ay pinilit pagtakpan ng isa pang kasinungalingang nanganak ng iba pang kasinungalingan at marami pa.
Actually, hindi big deal sa akin kung naka-block ako o kung may karelasyon ka. Tinawanan ko nga lang iyon... pero hindi ako natawa sa mga susunod na nalaman ko.
Ipinaliwanag sa akin ng papa ko na kayo ay nagkasundo: Tutulungan kang paaralin sa kondisyong hindi ka muna manlalalaki. Kaya bago pa ipaalam sa iyo na alam na ng papa ko ang ginawa mong pagsira sa inyong kasunduan, nakakuha na kami ng mga pruweba. Nakakalungkot nga lang na sa kabila ng mga pruwebang ito -- mga larawan ninyo ng isang lalaking ang pangalan ay RF, mga status upate sa FB bago mo pa man i-delete, mga kaibigan at kamag-anak sa Odiongan na nakikita kayong madalas magkasama, at iba pa -- pilit mo pa ring pinasinungalingan ang ginawa mo, imbis na magpakumbaba at humingi ng pasensiya.
Tinanong ko noon ang papa ko kung ano ang desisyon niya ngayong sumira ka sa inyong kasunduan at patuloy pa rin ang pagsisinungaling sa kabila ng pagkakabuking sa sikreto mo. Ang sabi niya lang ay kung hindi siya tutulong, sinong tutulong sa inyo?
Hinahangaan ko ang pagiging matulungin at mapagpasensiya sa iyo ng papa ko. Ang kabutihan mo pa rin ang inaalala niya sa kabila ng tahasang pangloloko/ pagsisinungaling mo. Pero naawa lang ako sa kanya dahil siya na nga ang tumutulong sa inyo, siya pa ang lolokohin ninyo.
Ang hiling lang niya, sa kabila ng mga pangyayari ngayon -- at noong mga panahong nasa Bangkal pa ako kung kelan madalas napipilitang magsinungaling ng mama ko sa papa ko para sa inyo-- sana ayusin mo ang pag-aaral mo kung hindi ka talaga mapigilang manlalaki.Huwag ka raw sana mabuntis nang wala sa oras. Ayaw raw niyang gawin mo ang ginawa ng kuya mo -- tinulungan ang kuya mong magtapos sa pag-aaral sa kondisyong ang kuya mo naman ang tutulong magpaaral sa iyo; pero tingnan mo kung anong ginawa ng kuya mo -- dahil nakabuntis, iba ang pinaaral.
Samakatuwid, ang kasunduan ninyo ng papa ko ay bunga ng pagsira ng kuya mo sa kasunduan nila. Isipin mo na lang na masuwerte ka't nakapag-aral ka pa rin sa kabila ng ginawa ninyo ng kuya mo sa papa ko. Sana pag-isipan mo ang sitwasyon mo at maliwanagan ka sa mga sinasabi ko. Maintindihan mo sana na hindi ako galit sa pagba-block mo sa akin sa FB... pero nagagalit ako sa patuloy na panloloko/ pang-aabuso sa ama ko ng mga taong pinagmamalasakitan niya.
Nami-miss ko yung maliit na bata ka pa. Pero nag-iiba ang panahon. Sana kapag magkita tayo uli -- lalo na't dun ka pala titira uli sa bahay namin at ikaw naman ang gagamit ng kuwarto ko -- huwag kang maiilang sa akin dahil sa pagsasabi ko sa iyo ng mga ito. Para rin naman ito sa kabutihan mo. Magtapos ka ng pag-aaral mo at magkaroon ng maayos na pamumuhay pagdating ng panahon.
No comments:
Post a Comment
What do you think?
Note: Only a member of this blog may post a comment.